
Hinimok ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV ang mga volunteer na may kinikilingang partido o kandidato na kusang umatras sa kanilang hanay upang mapanatili ang pagiging non-partisan ng grupo sa unang parliamentary elections ng BARMM.
Ayon kay PPCRV regional coordinator for BARMM Father David Procalla, may mga ulat na umano’y may mga partisan na nakapasok sa kanilang volunteer networks, partikular sa Datu Odin Sinsuat at mga karatig na bayan sa Maguindanao.
Hiniling ni Procalla sa mga municipal network na masusing beripikahin ang kanilang mga roster at credentials ng mga volunteer.
Nanawagan din siya sa mga election officer, Philippine National Police at judiciary na tumulong sa pagtukoy at pag-alis sa mga partisan volunteer sa PPCRV.
Samantala, naka-full operation na ang PPCRV regional command center sa Cotabato City, na tumatanggap ng real-time updates mula sa iba’t ibang monitoring areas sa BARMM para sa pagbabantay sa halalan.










