
Dinepensahan ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte ang 19 kontrata ng GenCorp Industries Inc. sa Davao City government na nagkakahalaga ng mahigit P33 milyon sa pagdinig sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Baste, maayos at dumaan sa proseso ang mga kontrata. Gayunman, sinabi niyang hindi niya sana inaprubahan ang mga ito kung alam niyang may ugnayan ang kanyang kapatid na si Sara sa GenCorp.
Lumabas ang pahayag matapos siyang ipatawag ng prosecution bilang saksi dahil idineklara ni VP Sara ang GenCorp bilang isa sa kanyang business interests sa 2024 at 2025 SALNs.
Sinabi rin ni Baste na wala siyang independent knowledge tungkol sa GenCorp at hindi umano kalakihan para sa kanya ang P33 milyon na halaga ng mga kontrata.
Samantala, kinuwestiyon ng dating senador na si Antonio Trillanes IV ang pahayag ni Baste, habang sinabi naman ng House prosecution panel na nagdudulot ito ng mga tanong sa pagdedeklara ni VP Sara ng kanyang financial interest sa GenCorp.
Sa hiwalay na ruling, ibinasura ng Senate impeachment court ang kahilingan ng prosecution na ipaadmit kay VP Sara ang pagmamay-ari sa ilang bank accounts dahil sa karapatan nito laban sa self-incrimination.
Pinaalalahanan din ng impeachment court ang prosecutor na si Benjamin Tolosa Jr. kaugnay ng kanyang mga naunang pahayag tungkol sa kaso.










