
Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bohol 1st District Engineering Office na nananatiling ligtas at matatag ang istruktura ng Bato Bridge sa Barangay Cabawan, Maribojoc, sa kabila ng pagguho ng bahagi ng approach nito na nagresulta sa pansamantalang pagsasara ng tulay sa mga sasakyan.
Ayon sa DPWH Central Visayas, agad na rumesponde ang ahensya sa pamamagitan ng pagpapadala ng heavy equipment, maintenance personnel, at technical team upang suriin at ayusin ang apektadong bahagi.
Batay sa paunang pagsusuri ng mga inhinyero, walang natukoy na pinsala sa mismong estruktura ng tulay. Ang tinamaan lamang ay ang access o approach na bahagi nito.
“Access to the bridge has been temporarily closed to all traffic to allow emergency repair works on the affected bridge approaches,” pahayag ng DPWH.
Lumabas sa imbestigasyon na bumigay ang limestone fill na nagsisilbing daanan patungo sa tulay matapos maapektuhan ng erosion at paggalaw ng lupa sa ilalim.
May mga ulat din mula sa ilang residente na dati nang nakitaan ng bitak ang bahagi ng approach bago ang insidente.
Dahil dito, pansamantalang isinara ang tulay habang isinasagawa ang agarang pagkukumpuni, kabilang ang pagpapalit ng nasirang slope protection at bridge link slabs.
Aminado ang ilang residente na maaaring nakaapekto rin ang malalakas na pag-ulan at pagbaha sa nakalipas na mga buwan na nagpalambot sa lupa sa lugar.
Tiniyak ng DPWH na sasagutin ng contractor ang lahat ng gastusin sa repair works at walang karagdagang pondo mula sa gobyerno.
Walang naitalang nasaktan sa insidente, ngunit malaki ang naging epekto nito sa biyahe ng mga residente na pansamantalang naglalakad upang makatawid sa apektadong bahagi ng lugar habang isinasagawa ang pagkukumpuni.










