Inaasahang magdadala ng malalakas na hangin at pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ang Super Typhoon Bavi simula Martes, Hulyo 7, kahit hindi ito inaasahang magla-landfall sa Pilipinas.

Posibleng itaas ang Tropical Cyclone Wind Signals sa hilaga at silangang bahagi ng Northern Luzon simula Martes, habang inaasahan din ang pabugso-bugsong hangin at maalong karagatan hanggang Miyerkules. Sa paglapit ng bagyo, lalo nitong palalakasin ang habagat na magdudulot ng malalakas na pag-ulan sa hilaga at kanlurang bahagi ng bansa pagsapit ng Huwebes.

Huling namataan ang Bavi sa layong 2,700 kilometro silangan ng Eastern Visayas taglay ang lakas ng hanging aabot sa 195 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 240 kilometro kada oras. Kapag nakapasok na ito sa Philippine Area of Responsibility, tatawagin itong Bagyong Inday.