
Itinaas na sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa hilagang-silangang bahagi ng Cagayan matapos pangalanang “Inday” ang Super Typhoon Bavi kahit nasa labas pa ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1 ang Santa Ana, Gonzaga, Lal-lo, Gattaran, at Santa Teresita.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,545 kilometro silangan ng Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging 185 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 230 kilometro kada oras.
Inaasahang papasok sa PAR si Inday ngayong araw ng Miyerkules ng madaling-araw at pinakamalapit sa Extreme Northern Luzon sa Biyernes bago kumurba pa-norte patungong hilaga ng Taiwan.
Nagbabala rin ang weather bureau sa posibleng 500 hanggang 1,000 millimeters na pag-ulan sa Batanes simula Huwebes ng gabi hanggang Biyernes dahil sa epekto ng bagyo at habagat.
Inaasahan ding maglalabas ng Gale Warning sa hilaga at silangang baybayin ng Luzon at Visayas, kaya pinapayuhan ang maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot.










