Patuloy ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 2 sa pagpapatupad ng mga hakbangin upang tulungan ang mga mangingisda, lalo na sa gitna ng mataas na presyo ng langis.

Ayon kay Atty.Ronaldo Libunao ng BFAR RO2, abilang sa mga proyekto ang paglalagay ng mga “payaw” upang makaakit ng isda at mabawasan ang gastos sa krudo kung saan 60 payaw na ang nailagay sa katubigan ng rehiyon habang apat pang unit ang ilalagay ngayong taon.

Namamahagi rin sila ng mga bangka tulad ng fiberglass boats at 62-footer fishing vessels, pati na rin ng mga fingerlings, feeds, at HDPE cages para sa aquaculture projects.

Pinapalakas din ang seaweed farming sa Claveria at Buguey, kasama ang planong pagtatayo ng agar processing plant upang mapataas ang kita ng mga mangingisda.

Sinabi naman ni Atty. Arsenio Bañares, chief fisheries management and enforcement division ng BFAR RO2 na bukod sa kabuhayan, binabantayan din ng ahensya ang epekto ng El Niño at nagpapatupad ng mga hakbang para maiwasan ang fish kill.

-- ADVERTISEMENT --

Isinusulong din ang konserbasyon ng flying fish sa Batanes sa pamamagitan ng unified fisheries ordinances.

Ang mga programang ito ay bahagi ng pagdiriwang ng Fisherfolk and Farmers’ Month ngayong Mayo, na naglalayong kilalanin at palakasin ang sektor na nagsisiguro ng pagkain para sa bansa.