Muling tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo simula Martes, Hulyo 21, ayon sa inanunsyo ng mga oil company kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Batay sa Department of Energy (DOE), ang maximum na pinahihintulutang price adjustment para sa linggong ito ay hanggang P3.65 kada litro sa gasolina, P10.68 kada litro sa diesel, at P11.77 kada litro sa kerosene.

Magkakabisa ang mga bagong presyo sa Hulyo 21, bagama’t nakadepende pa rin ang aktuwal na dagdag-presyo sa ipatutupad ng bawat kumpanya ng langis.

Ayon sa mga source sa industriya ng langis, ang panibagong pagtaas ng presyo ay bunsod ng muling paglala ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na nagtulak sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Noong nakaraang linggo, nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng dagdag na P1.00 kada litro sa gasolina, P4.60 hanggang P4.62 kada litro sa diesel, at P4.20 kada litro sa kerosene.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, umabot na sa netong pagtaas ngayong taon ang P46.27 kada litro sa gasolina, P39.75 kada litro sa diesel, at P36.62 kada litro sa kerosene, batay sa tala ng DOE noong Hulyo 14.