Iginiit ni impeachment prosecution panel adviser Robert Ace Barbers na pansamantalang balakid lamang ang posibleng pagbabalik ng Senado sa House prosecution panel ng kahon na naglalaman ng tax records ni Vice President Sara Duterte at ng kaniyang asawang si Manases Carpio.

Ayon kay Barbers, mas mahalaga na maiprisinta ng prosecution ang iba pang ebidensiya habang hinihintay ang tamang panahon para muling talakayin ng impeachment court ang naturang “BIR box.”

Naglalaman ang kahon ng mga dokumento mula sa Bureau of Internal Revenue na itinuturing ng prosecution na mahalagang ebidensiya sa alegasyon ng unexplained wealth laban kay Duterte.

Ayon kay Barbers, maaari rin itong magsilbing ebidensiya para sa depensa dahil bahagi ito ng mga dokumentong maaaring suriin ng magkabilang panig sa paglilitis.

Nauna nang sinabi ni Senador Panfilo Lacson na walang dahilan para manatili sa Senado ang naturang kahon at dapat itong ibalik sa House prosecution panel.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatakdang pormal na magsimula ang impeachment trial ni Duterte ngayong Lunes, Hulyo 6.