Nagsampa ng reklamo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) laban sa tatlong kumpanya at isang indibidwal kaugnay ng umano’y hindi nabayarang buwis na umaabot sa mahigit P50 milyon, kabilang ang mga multa at surcharge na mula pa noong 2017.

Ayon sa BIR, ang pinakamalaking tax liability ay mula sa isang kumpanyang nakarehistro sa Bacoor, Cavite na umabot sa P27.294 milyon para sa deficiency income tax at withholding tax noong taxable year 2017.

Isang kumpanya naman na nakabase sa Davao del Sur ang may utang na P9.661 milyon para sa income tax, expanded withholding tax, value-added tax, at documentary stamp tax noong 2019.

Samantala, isa pang kumpanya ang may P5.648 milyong obligasyon sa buwis para sa taong 2017.

Kasama rin sa kinasuhan ang isang pribadong indibidwal na may tinatayang P15.903 milyong tax liability para sa kaparehong taon.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na pinaaalalahanan ng BIR ang mga negosyo at indibidwal na sumunod sa tamang pagbabayad ng buwis upang maiwasan ang kasong administratibo at kriminal.