
Nagsampa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng dalawang reklamo sa Department of Justice laban sa dalawang korporasyon dahil sa umano’y hindi nabayarang buwis na aabot sa ₱45 milyon para sa taxable years 2017 at 2018.
Ayon sa BIR, kabilang sa mga reklamong isinampa ang umano’y paglabag sa Section 255 ng National Internal Revenue Code of 1997, na nagtatakda ng mga obligasyon ng mga nagbabayad ng buwis.
Tinatayang ₱33 milyon ang hindi nabayarang income tax at value-added tax ng unang kompanya para sa 2017, habang nasa ₱11 milyon naman ang tax liabilities na sangkot sa ikalawang reklamo.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Mendoza, patuloy nilang hihikayatin ang boluntaryong pagsunod sa pagbabayad ng buwis, ngunit magsasagawa rin ng kaukulang aksiyon laban sa mga sadyang hindi tumutupad sa kanilang obligasyon.










