Inihayag ni dating senador Antonio Trillanes IV na posibleng si Senador Bong Go na ang susunod na maisyuhan ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Trillanes, nakatanggap umano siya ng impormasyon na iniimbestigahan si Go bilang umano’y kasabwat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kasong crimes against humanity, murder, at attempted murder kaugnay ng war on drugs.

Gayunman, sinabi ni Trillanes na hindi pa tiyak kung kailan ilalabas ang posibleng arrest warrant laban kay Go at maaari pa itong abutin ng ilang buwan.

Iginiit din ng dating senador na isinumbong umano si Go sa ICC dahil siya raw ang namamahagi ng pabuya noong kasagsagan ng extrajudicial killings.

Bukod kay Go, sinabi rin ni Trillanes na posible ring maisyuhan ng ICC warrant ang dating Philippine National Police chief na si Oscar Albayalde.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag sina Bong Go at Albayalde kaugnay sa naturang alegasyon.