Sinimulan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pagrepaso sa mga compliance report ng mga bangko at iba pang financial institutions kaugnay ng pagpapatupad ng panuntunan sa interbank transfer fees.

Ayon kay BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan, sinusuri ng BSP kung sumusunod ang mga isinumiteng ulat sa Circular 1238, na nagtatakda na ang diperensya sa singil sa intrabank at interbank transfers ay dapat nakabatay lamang sa aktuwal na gastos sa pagdaan ng transaksyon sa payment network o “switch cost.”

Tinaya ng BSP na nasa P1.50 lamang ang naturang switch cost.

Dahil dito, ang mga institusyong libre ang intrabank transfers ay inaasahang maningil ng hindi hihigit sa P1.50 para sa interbank transfers.

Sinabi ni Tangonan na karamihan sa 20 pinakamalalaking financial institutions ay nakasunod na sa panuntunan, habang patuloy namang sinusuri ang pricing ng ilang e-wallets na naniningil pa rin ng P10 para sa interbank transfers kahit libre ang intrabank transfers.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ng BSP na pareho ang panuntunang ipinatutupad sa lahat ng financial institutions, kabilang ang mga bangko at e-wallets, upang matiyak ang maayos at episyenteng daloy ng mga transaksyon sa iisang payment network.

Wala pang itinakdang panahon ang BSP para matapos ang review.

Ayon kay Tangonan, bibigyan muna ng pagkakataon ang mga institusyong nangangailangan ng paglilinaw na tumugon bago maglabas ng pinal na desisyon o direktiba.

Dagdag pa niya, sisikapin ng BSP na maresolba ang usapin sa pamamagitan ng tamang proseso upang hindi na umabot sa pagpapataw ng parusa sa mga hindi makasusunod sa panuntunan.