
Umabot sa 64.7% ng kabuuang retail payments sa Pilipinas ang isinagawa digitally noong 2025, mas mataas kumpara sa 57.4% noong 2024, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP.
Dahil dito, pasok na ang bansa sa target na 60% hanggang 70% digital payments sa ilalim ng Philippine Development Plan 2023-2028.
Ayon sa BSP, kasabay ng pagtaas ng digital payments ang 69.4% paglago sa digital payment accounts at 36.3% pagdami ng mga negosyong tumatanggap ng digital payments.
Samantala, unang pagkakataon noong 2025 na nalampasan ng QR Ph transactions ang debit at credit card transactions.
Umabot sa 2.47 bilyon ang QR transactions na nagkakahalaga ng ₱1.16 trilyon.
Nalampasan din ng transactions sa PESONet ang paggamit ng tseke bilang paraan ng pagbabayad, ayon sa BSP.









