Nagbabala ang consumer watchdog at think tank na Pinoy Aksyon na ang panukalang zero transfer fees ay pumapabor lamang sa malalaking financial institutions.

Sinabi ni Bencyrus Ellorin, convenor ng transparency and consumer watchdog na Pinoy Aksyon, hindi patas at mapanglamang ito sa mga new players at taliwas ito sa financial inclusivity na isinusulong ng gobyerno.

Ipinaliwanag ng grupo na tila pinapatay ng mga bangko ang new players na nagpalawak ng access sa financial services para sa masang Pilipino.

Matatandaan na hinimok ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga bangko na magpatupad ng makatwiran at makatarungang market-based pricing, para sa electronic fund transfers sa pamamagitan ng BSP Circular No. 1238 na nagkabisa noong July 4, 2026.

Ayon sa Pinoy Aksyon, ang makatwiran at makatarungang pagpepresyo ang tamang direksiyon at kung nais pang higit na mapabuti ng pamahalaan ang sistema, dapat itong magpatupad ng mga patakarang magpapahusay sa karanasan ng mga mamimili.

-- ADVERTISEMENT --

Ito’y sa pamamagitan ng pag-aalis ng labis na singil at pagpapabuti ng serbisyo ng mga bangko lalo na’t mas pinipili ng publiko ang mga electronic fund transfer platform.