Palaisipan para sa House prosecution panel kung bakit nagdadalawang-isip ang defense na mag-stipulate sa authenticity ng bank documents ni Vice President Sara Duterte.

Sa press conference, sinabi ni Lead Prosecutor Gerville Luistro na direkta naman itong isinumite ng financial institutions sa Senate Impeachment Court at hindi dumaan sa kamay ng prosekusyon.

Nahihiwagaan si Luistro na ayaw aminin ng defense ang mga dokumento at accounts mismo ng respondent.

Wala aniyang magagawa ang prosecution panel kung magmamatigas sa stipulation ang defense at isa-isang tutukuyin na lang ng bank representatives at ia-authenticate ang records.

Sampung bangko umano ang pinagmulan ng mga naturang dokumento na isinumite sa impeachment court.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag ng Lead Prosecutor, kung ilalarawan ay tig-dalawang van ang kapal ng mga dokumento kada bangko kaya mapapahaba ang marking, identification at authentication.

Gayunman, hindi inaasahan ni Luistro na aabutin ng susunod na taon ang impeachment trial dahil tiyak namang mayroon silang isasagawang hakbang para mapabilis ang presentation ng bank documents.