TUGUEGARAO CITY- Wala umanong dapat na ikaalarma ang publiko sa nakitang maliit na butas sa Magat dam sa Isabela.
Sinabi ni Benny Antiporda, bagong administrator ng National Irrigation Admninistration na konti lang ang tagas na nagmumula sa nasabing butas at sa kasalukuyan ay hinahanap na nila ang talagang butas nito para sa pagkukumpuni.
Ayon sa kanya, ang nasabing butas ay hindi dahil sa nangyaring malakas na lindol sa Abra na naramdaman din sa Isabela at Cagayan at iba pang bahagi ng bansa.
Iginiit niya na walang anomang pinsala na inidulot ang pagyanig sa nasabing dam.
Kaugnay nito, sinabi ni Antiporda na may dinala ng equipment doon upang makita ang kalagayan ng dam para matiyak ang kaligtasan ng mga tao na apektado sa tuwing nagpapakawala ng tubig ang dam.
Ayon sa kanya, kasalukuyan na rin ngayon ang inspeksion sa lahat ng bahagi ng dam para sa gagawing pagbabago o pagsasaayos.
Sa katunayan, sinabi niya na may mga nakalatag ng mga solusyon para sa palagiang problema na ang mga nangangasiwa ng dam ang sinisisi tuwing may mga pagbaha dahil sa pagpapakawala ng tubig.
Subalit, sinabi niya na kulang pa ang mga ito kaya patuloy ang kanilang paghahanap ng mga maaari pang gawin sa dam kabilang na ang pagkakaroon ng safety measures sa baha dahil sa ang unang prioridad pa rin ay ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Bukod dito, sinabi ni Antiporda na magkakaroon din ng retrofitting sa dam dahil sa may mga nakita silang ilang nasira dahil sa matagal na rin ang dam na ipinatayo noong 1983.
Sinabi ni Antiporda na kasabay ng mga pagbabago na gagawin sa dam ay babaguhin din ang alarm system sa Magat dahil sa ang tunog nito ngayon ay tila hindi ikintatakot ng mga mamamayan o mga residente na kailangan na lumikas dahil sa pagpapakawala ng tubig mula sa dam.
Bukod dito, maglalagay din sila ng mga hotlines.
Subalit, sinabi ni Antiporda na kailangan nila ang tulong ng mga lokal na pamahalaan lalo na sa panahon ng pagbaha dahil hindi na nila hurisdiksion ang pagpapalikas sa mga posibleng maaapektohan ng pagpapakawala ng tubig ng Magat dam.