Nakapagtala ang lalawigan ng Cagayan ng 2,540 kaso ng dengue at 397 kaso ng leptospirosis ngayong 2026, batay sa datos ng Provincial Health Office (PHO) hanggang Oktubre 10.

Ayon kay Nestor Santiago ng PHO, bumaba ng 34.8% ang mga kaso ng dengue kumpara sa 3,896 na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, gayunman tatlong pagkamatay ang naitala ngayong taon.

Samantala, mas mataas naman ng 2.3 porsiyento ang kaso ng leptospirosis ngayong taon, na umabot sa 397 kumpara sa 388 noong nakaraang taon. Siyam na pagkamatay na may kaugnayan sa sakit ang naitala, bagamat mas mababa ito sa sampung nasawi noong 2025.

Pinakamaraming kaso ng leptospirosis ang naitala sa Lasam at Gattaran, kung saan malaking bahagi ng mga apektado ay mga magsasaka na posibleng nalantad sa kontaminadong tubig sa bukirin.

Dahil dito, pinaigting ng PHO ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na health office para sa pagsubaybay, imbestigasyon at pagpapatupad ng mga hakbang laban sa pagkalat ng mga sakit.

-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala rin si Santiago sa posibleng epekto ng Super El Niño, kabilang ang mga sakit na dulot ng kontaminadong pagkain at tubig, heat exhaustion at heat stroke.

Pinayuhan ang publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran, alisin ang mga pinamumugaran ng lamok at agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health facility kapag nakaranas ng sintomas o nalusong sa tubig-baha.