Ipinanawagan ni Senador Panfilo Lacson ang pagbabalik ng kabuuang ₱8.1 bilyong tinapyas sa panukalang budget ng Department of Transportation (DOTr) para sa dalawang foreign-assisted projects sa Davao City at Cebu province.

Sa plenary deliberations sa panukalang ₱295.797 bilyong pondo ng DOTr para sa 2027, kinuwestyon ni Lacson ang ₱5.1 bilyong kaltas sa Davao Public Transport Modernization Program at karagdagang ₱3 bilyon para sa New Cebu International Container Port.

Ayon kay Lacson, dapat unahin ang mga proyektong pang-imprastraktura na inaasahang magpapalago sa ekonomiya kaysa sa mga pinagdududahang ayuda.

Binigyang-diin din niya na maaaring mas lumaki ang gastos ng pamahalaan kapag hindi naipagpatuloy ang mga proyekto sa susunod na taon, dahil sa posibleng pagbabayad ng penalties at commitment fees.

Kinumpirma naman ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito na umabot na sa ₱20 milyon ang naipong commitment fees at penalties dahil sa pagkaantala ng mga proyekto mula Disyembre 2023 hanggang Hunyo 2026.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Ejercito na prayoridad din ang mga naturang proyekto at handa siyang ibalik ang pondo kung may mapagkukunan, sa halip na ilaan ito sa mas maliliit na proyektong limitado ang magiging epekto sa ekonomiya.