Nagsumite ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng 63 dokumento at iba pang materyales sa International Criminal Court (ICC) bago ang pagsisimula ng paglilitis sa kaniya sa Nobyembre 30.

Batay sa kanilang pinakahuling filing na may petsang Nobyembre 25, kabilang sa mga isinumite ang mga artikulo sa pahayagan, opinion columns, ulat, larawan, ordinansa, batas at iba pang legal na dokumento.

Kabilang din dito ang 17 batas na nilagdaan ni Duterte noong panahon ng kaniyang pagkapangulo, gaya ng Universal Health Care Act, Universal Access to Quality Tertiary Education Act, Free Irrigation Service Act, 4Ps Act at Mental Health Act.

Isinama rin sa mga ebidensya ang ilang executive order at administrative order na may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga, emergency response, disaster rehabilitation at iba pang programa ng pamahalaan.

Mayroon ding mga ordinansa mula sa Davao City na tumatalakay sa kapakanan ng kababaihan at mga bata, kalusugan, rehabilitasyon sa droga at pagpapanatili ng kaayusan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, kabilang sa iba pang materyales ang mga ulat at datos tungkol sa kampanya kontra droga, paggamit ng nakamamatay na puwersa ng pulisya at mga alegasyon ng extrajudicial killings o EJK.

Sa pre-trial brief ng depensa, binanggit ang mga programa ni Duterte sa kalusugan, edukasyon at rehabilitasyon sa droga bilang mga hakbang na ayon sa kanila ay sumasalungat sa alegasyon ng prosekusyon na nagkaroon ng malawakan at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan sa Pilipinas.

Gayunman, hindi ipinaliwanag sa pinakahuling filing kung paano partikular na gagamitin sa paglilitis ang bawat isa sa 63 materyales na isinumite ng depensa.