
Hinimok ni US President Donald Trump si Russian President Vladimir Putin na itigil ang lahat ng agresibong pagkilos ng Russia laban sa mga teritoryo sa Europe upang mapabilis ang pagkakaroon ng kasunduan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Trump na tinalakay nila ni Putin ang posibilidad na umatras ang Russia sa mga naturang pagkilos sa kanilang pag-uusap sa China.
Naniniwala ang lider ng Amerika na posibleng makamit agad ang kasunduan upang wakasan ang digmaan, na aniya ay patuloy na kumikitil ng libo-libong buhay bawat buwan.
Matatandaang ilang ulit nang nanawagan si Trump para sa negosasyon upang matigil ang giyera sa Ukraine na nagsimula noong 2022.
Samantala, ilang bansa sa Europe ang nagpahayag kamakailan ng pangamba sa mga pagkilos ng Russia, kabilang ang Poland na nag-akusa sa Moscow ng sadyang paglabag sa kanilang airspace.










