
Maghahain ng motion for reconsideration (MR) si Cagayan Vice Governor Manuel Mamba matapos pagtibayin ng Regional Trial Court (RTC) Branch 17 sa Batac City, Ilocos Norte ang pagpapataw ng 90-araw na preventive suspension laban sa kanya kaugnay ng kasong graft.
Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, sinabi ni Mamba na bagama’t ibinasura ng korte ang kanilang motion to quash, may limang araw pa silang palugit upang magsumite ng MR bilang bahagi ng kanilang legal na remedyo.
Ayon kay Mamba, ang kasong isinampa laban sa kanya ay may kaugnayan sa hindi umano niya pagpapalabas ng tseke ng JLL Corporation, isang contractor ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, dahil sa mga umano’y depekto o kakulangan sa isinagawang proyekto.
Iginiit niya na pinigil lamang niya ang pagbabayad upang personal na makausap ang contractor hinggil sa mga natukoy na deficiencies bago ilabas ang tseke.
Aniya, wala umanong nawalang pondo ng pamahalaan at walang alegasyon ng extortion o korapsyon laban sa kanya, kundi usapin lamang ng hindi umano na-release na bayad.
Sinabi rin ni Mamba na isa sa kanilang argumento sa motion to quash ay nangyari ang insidente noong siya pa ang gobernador ng Cagayan at hindi na siya governor nang maisampa ang kaso, kaya wala na umano siyang access sa mga dokumentong pinangangambahang maapektuhan sa pamamagitan ng preventive suspension.
Gayunman, hindi ito pinaboran ng korte.
Inihayag din ng bise gobernador na hindi pa niya personal na natatanggap ang buong kopya ng desisyon at batay lamang sa paunang impormasyon mula sa kanyang abogado ang nalalaman niya hinggil sa naging kautusan ng korte.
Kaugnay nito, sinabi ni Mamba na patuloy muna siyang magtatrabaho sa kanyang tanggapan habang hinihintay ang implementasyon ng preventive suspension at ang magiging resulta ng kanilang ihahaing motion for reconsideration.
Binigyang-diin din niya na nananatili siyang kumpiyansa na maipapaliwanag niya ang kanyang panig sa tamang pagdinig ng kaso at malilinis ang kanyang pangalan.









