Ipinagtanggol ni Senador Alan Peter Cayetano ang kanyang paggamit ng pangalan ng yumaong opposition leader na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr., kasabay ng paglilinaw na walang sinumang pamilya ang may eksklusibong pagmamay-ari sa kanyang pangalan at pamana.

Sa isang mahabang post sa social media, sinabi ni Cayetano na hindi niya inihahambing ang sarili sa mga pambansang bayani tulad nina Ninoy Aquino, Jose Rizal, at Andres Bonifacio, kundi ang mga ipinaglaban ng mga ito ang kanyang pinaninindigan.

Giit ng senador, ang kabayanihan ay hindi namamana kundi nakakamit sa pamamagitan ng kilos at prinsipyo.

Nauna rito, binatikos ng isang progresibong grupo ang paggamit ni Cayetano ng pangalan ni Ninoy Aquino at ang iconic na “Laban” sign sa kanyang Facebook live, na tinawag nilang “laughable, insulting at delusional.”

Samantala, ipinagtanggol din ng senador ang nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senado sa mga proyekto ng flood control, at iginiit na karapatan ng publiko na malaman kung paano ginamit ang pondo ng gobyerno.

-- ADVERTISEMENT --

Binanggit din niya ang ilang senador na aniya ay kapareho niya ng paninindigan sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, kabilang sina Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Sen. Pia Cayetano, Sen. Joel Villanueva, Sen. Rodante Marcoleta, Sen. Imee Marcos, Sen. Robin Padilla, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, Sen. Bong Go, at Sen. Mark at Camille Villar.