Ipagpapatuloy ngayong araw, Hunyo 8, ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa umano’y mga anomalya sa flood control projects sa pangunguna ni Senador Erwin Tulfo.

Ayon kay Tulfo, kabilang sa iimbitahan sa pagdinig ang 18 dating miyembro ng militar na nagsabing naghatid sila ng umano’y kickback sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan.

Isasama rin sa mga iimbitahan ang iba pang resource persons at mga personalidad na nabanggit sa mga naunang alegasyon, kabilang si dating House Speaker Martin Romualdez.

Sinabi ng senador na obligado ang mga inimbitahang dumalo sa pagdinig at maaaring maharap sa contempt proceedings ang sinumang hindi susunod sa ipinadalang imbitasyon ng komite nang walang sapat na dahilan.

Iginiit ni Tulfo na ang pagdinig na kanyang pangungunahan ang lehitimong imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa usapin ng flood control projects.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, ito ang opisyal na pagdinig ng komite kasunod ng mga naging pagbabago sa liderato ng Senado.

Samantala, sinabi rin ni Tulfo na iimbitahan sa pagdinig ang lahat ng senador, kabilang ang mga kaalyado ni Senador Alan Peter Cayetano, upang mabigyan ng pagkakataong makibahagi sa pagtalakay sa mga alegasyon at mga ebidensyang ilalahad sa imbestigasyon.

Layunin ng pagdinig na alamin ang katotohanan sa likod ng mga paratang ng katiwalian sa mga flood control project at matukoy kung may pananagutan ang sinumang opisyal ng pamahalaan sa naturang usapin.