Pinagpapaliwanag ng Office of the Ombudsman sina Senador Alan Peter Cayetano at Sen. Robin Padilla, gayundin ang suspended Senate sergeant-at-arms na si Ma. O. Aplasca, kaugnay ng reklamong obstruction of justice na isinampa laban sa kanila.

Sa isang order na may petsang Hunyo 23, inatasan ng Ombudsman ang tatlong respondents na magsumite ng kanilang counter-affidavit sa loob ng 15 araw mula sa pagtanggap ng kautusan.

Ang kaso ay may kaugnayan sa umano’y pagtakas ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa mula sa Senado noong nakaraang buwan.

Ayon sa reklamo na inihain ng Tindig Pilipinas, hinihiling ng mga complainant na panagutin ang mga nabanggit na opisyal dahil sa umano’y naging papel nila sa insidente.

Binigyan din ng pagkakataon ang mga nagrereklamo na magsumite ng reply-affidavit limang araw matapos matanggap ang sagot ng mga respondent.

-- ADVERTISEMENT --

Kapag nabigo ang mga ito na magsumite ng paliwanag sa itinakdang panahon, ituturing itong isinumite na para sa resolusyon ng kaso at hindi na tatanggapin ang karagdagang dokumento ng anti-graft body.