Ibinasura ng Commission on Audit (COA) en banc ang apela ng Office of the Vice President (OVP) kaugnay sa P73 milyong confidential funds noong 2022 dahil sa kakulangan ng patunay sa paggamit nito.

Sa desisyon na pinangunahan nina COA Chair Gamaliel Cordoba, Commissioner Mario Lipana, at Commissioner Douglas Mallillin, iginiit na walang sapat na detalye at ebidensya ang OVP upang patunayan na naging matagumpay ang mga intelligence at surveillance operations.

Ayon kay House Committee on Justice member Representative Terry Ridon, walang naipakitang proof na naging successful ang mga operasyon at wala ring malinaw na koneksyon ang paggamit ng pondo sa national security o intelligence activities. Aniya, lumalabas na governance-related lamang ang mga aktibidad na dapat sana ay sa regular na pondo kinuha, hindi sa confidential funds.

Kabilang din sa dinisallow ng COA ang mahigit P69 milyon na ginamit bilang reward sa mga informant at P3.5 milyon para sa pagbili ng kagamitan tulad ng computer at muwebles dahil sa kakulangan ng dokumento.

Dagdag ni Ridon, ang kautusang ibalik ang P73 milyon ay indikasyon umano ng iregularidad at maaaring maging batayan ng kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, kahit pa maibalik ang pondo.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, hinimok nina House Deputy Speaker Paolo Ortega V at Representative Bienvenido Abante ang pangalawang pangulo na humarap sa House Committee on Justice upang ipaliwanag ang isyu, habang iginiit ng Makabayan bloc na dapat ituring ang desisyon ng COA bilang mahalagang ebidensya sa mga pagdinig.