
Muling ipinaliwanag ni COMELEC Chairman George Garcia ang kontrobersya sa naging imbestigasyon ng komisyon kay senator Rodante Marcoleta tungkol sa hindi pagdedeklara sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga donors sa kanyang kampanya noong nakalipas na eleksyon.
Sa press conference matapos ang inauguration ng Regional Integrated Field Office 02 ng komisyon sa Tuguegarao City, ibinatay nila sa batas ang desisyon na nag-aabswelto kay Marcoleta sa pananagutang kriminal.
Sinabi niya na sa imbestigasyon, hindi idineklara ni Marcoleta ang tatlong donors, na mayroon sanang criminal liability ang senador, subalit sa kanilang pananaliksik, sa isang section ng RA 7166 may nakasaad dito na repealing clause na nagbabago sa isang probisyon ng Omnibus Election Code na binabalewala ang kriminal na aspeto ng hindi pagdedeklara ng kandidato ng mga donors.
Subalit sinabi ni Garcia na hindi naman binago sa nasabing batas ang pananagutang kriminal ng mga donor, na mandatory sa kanila na magsumite sa Comelec ng kanilang donasyon sa isang kandidato na isinasama sa SOCE.
Sinabi ni Garcia na maaaring unfair ito para sa mga donors, subalit iginiit niya na sinunod lamang nila ang nakasaad sa batas.










