
Ipinag-utos ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang agarang pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal laban sa dalawang pulis na naaresto sa anti-illegal mining operation sa Opol, Misamis Oriental nitong Lunes.
Ayon kay PNP PIO Chief PBGen. Randulf Tuaño, kabilang sa anim na naaresto ang dalawang aktibong pulis na naka-assign sa Davao de Oro, matapos maharang sa checkpoint operation ang isang sasakyan na may lulan na hinihinalang mineral ores na walang kaukulang permit.
Nakumpiska sa operasyon ang 58 sako ng hindi pa processed na mineral ores na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱290,000, kasama ang isang sasakyan, baril, bala, communication devices at iba pang kagamitang umano’y ginagamit sa iligal na aktibidad.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na out of jurisdiction ang mga pulis na sangkot at posibleng nagsisilbing escort o protektor ng iligal na pagbibiyahe ng mineral ores.
Kasabay ng direktiba ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., agad ding inalis sa puwesto ang mga pulis habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at paghahanda ng kaso.










