Pinayagan ng Commission on Elections o Comelec ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na ipagpatuloy ang fuel subsidy para sa mga PUV driver kahit umiiral ang election spending ban bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, exempted sa social services ban ang fuel subsidy ng LTFRB. Sakop din ng exemption ang Libreng Sakay at buwanang ayuda sa ilalim ng Public Transport Modernization Program.

Gayunman, hindi kabilang sa exemption ang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng TUPAD, AKAP, AICS at 4Ps mula Oktubre 23 hanggang Nobyembre 2, maliban sa medical at burial assistance.

Bawal din dumalo ang mga elective official, kandidato, nominee at aspirant sa pamamahagi ng nasabing ayuda.

Nagsimula ang pagbabawal sa pagpapalabas at paggastos ng public funds noong Setyembre 18 at tatagal hanggang Nobyembre 1, isang araw bago ang nakatakdang BSKE sa Nobyembre 2.

-- ADVERTISEMENT --