
Sinampahan ng kasong graft, malversation, at falsification of public documents sa Office of the Ombudsman si Cong. Dean Asistio kaugnay ng umano’y P79.2 milyong ghost at overpriced flood control projects sa Caloocan.
Ang reklamo ay isinampa ni dating Caloocan Mayor Rey Malonzo laban kay Asistio, kasama si Department of Public Works and Highways District Engineer Ruel Umali at anim na private contracting companies.
Batay sa 27-pahinang reklamo, ilan umano sa mga proyekto na napondohan at naaprubahan ay hindi naitayo o kaya’y substandard ang pagkakagawa.
Kabilang dito ang dalawang flood control projects sa Barangay 187 at isang road construction project sa Barangay 159.
Inaakusahan din ang mga respondent ng umano’y iregularidad sa paggamit ng pampublikong pondo para sa mga naturang proyekto.










