
Hiniling ng Malacañang sa publiko na hayaan ang Office of the Ombudsman na isagawa ang imbestigasyon nito sa mga maanomalyang flood control projects at huwag madaliin ang proseso.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, isang independent constitutional body ang Ombudsman at may sariling mandato na hiwalay sa executive, legislative at judicial branches ng pamahalaan.
Sinabi ni Castro na nauunawaan ng Malacañang ang panawagan para mapabilis ang imbestigasyon, lalo na habang patuloy na nakararanas ng matinding pagbaha ang ilang bahagi ng bansa.
Gayunman, iginiit niyang hindi dapat madaliin ang mga kaso dahil maaaring mauwi ito sa kakulangan ng ebidensya at tuluyang pagbasura sa mga kaso.
Binigyang-diin ni Castro na naaayon sa batas ang isinasagawang imbestigasyon ng Ombudsman at dapat itong bigyan ng sapat na panahon upang masusing mapag-aralan ang mga dokumento at ebidensyang isinumite sa tanggapan.










