TUGUEGARAO CITY- Inihayag ni Dr. Anthony leachon, health reform advocate na dapat na ipagpatuloy pa rin ang contact tracing at covid-19 testing.

Sinabi niya na hindi dapat na tanggalin ang mga nasabing hakbang sa playbook sa paglaban sa virus dahil mahalaga ang mga ito upang malaman ang infection transmission at agad na makapagsagawa ng kaukulang hakbang ang pamahalaan.

Iginiit niya na ang pagtigil sa pagbili ng test kits at contact tracing ay dagdag sa mga error o kamalian sa pagtugon sa pandemya.

Sinabi niya na kailangan din na maglaan ang pamahalaan ng emergency funds para sa test kits at iba pang medical supplies na kailangan para sa paglaban sa covid-19.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, hindi rin sang-ayon si Leachon sa bagong patakaran ng Department of Health na pagpapaiksi sa quarantine period ng general population lalo na ang mga fully vaccinated.

Ayon sa kanya, dapat na panatilihin ang status qou sa quarantine period upang matiyak na ang dinapuan nito ay walang ng virus sa kanyang paglabas sa isolation o quarantine facility upang hindi siya makapanghawa o kung hindi man ay dapat na muling isailalim sa test ang isang covid-19 positive na pinaikli ang isolation bago bumalik sa trabaho

Sinabi pa ni Leachon na isang uri ng diskriminasyon ang polisiya ng Department of Transportation na ” no vaccination, no ride policy” dahil walang batas para dito.

Ayon sa kanya, maaaring maraming rason ang mga hindi pa nababakunahan na ito ang dapat na aralin at tugunan ng pamahalaan upang lahat ay makakuha ng bakuna.

Subalit para sa mga ayaw talagang magpabakuna sa kabila na accessible naman sa kanila ito ay kailangang harapin din nila ang consequences na malilimitahan ang kanilang mga galaw.

Sinabi niya na hindi kasi maaaring pilitin ang mga ayaw magpabakuna.

Kasabay nito, sinabi ni Leachon na ang dapat na maging prayoridad ngayon ng vaccination ay ang mga dapat na makakuha na ng booster shots at ang mga nakakuha pa lamang ng single shot.