Isiniwalat ni Ramil Madriaga, ang umaming bagman ni Vice President Sara Duterte na may plano umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang puwesto noong 2025 para ibigay ang posisyon sa kanyang anak na si VP Duterte.

Ito ay batay sa sulat-kamay ni Madriaga, na may petsang April 11, 2026.

Sa kanyang sulat, tinukoy ni Madriaga ang nakatatandang Duterte na FPRRD.

Noong November 2021, sinabi umano ng dating pangulo na papayagan na tumakbo si Marcos bilang presidente at running-mate ang kanyang anak na si Sara.

Gayunpaman, gagamitin lamang umano si Marcos na political tool at aagawin ang posisyon sa 2025 upang mapalawig ang kontrol ng matandang Duterte sa pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos ang panunumpa ni VP Sara noong 2022, sinabi ni Duterte sa isa pang pulong kasama si Madriaga at maraming retired generals na plano niyang tanggalin si Marcos sa kanyang tanggapan kahit sa anomang paraan.

Kasunod nito ay uupo si VP Sara, at pwede pa siyang tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 presidential elections.

Nakasaad pa sa sulat ni Madriaga na alam umano ni Marcos na bababa siya sa 2025 para ibigay ang puwesto kay Sara.

Idinagdag pa sa ulat na bago mapatalsik si Marcos, magkakaroon ng mass resignations ng mga opisyal ng pamahalaan, malawakang rallies, asasinasyon ng mga opisyal ng pamahalaan, civil disobedience, at pag-atake sa Malacañang ng mga grupo at mga indibidual na kanilang pinakilos.

Ang tungkulin ni Madriaga ay mag-recruit ng mga grupo, kabilang ang mga kriminal at mga sindikato, at sa sandaling magkaroon ng kaguluhan, ito ang magbibigay-daan para magsagawa ng kudeta ang militar.

Kung hindi bababa sa puwesto si Marcos, ay dito na isasagawa ang asasinasyon sa kanya o i-exile siya sa Estados Unidos.