Inalis o binawi na ng House Quad Committee ang contempt at detention order nito laban kina dating Presidential Spokesperson Harry Roque, at misis na si Mylah, gayundin kay dating Presidential Adviser Michael Yang, Police Col. Hector Grijaldo at Senior Police Officer 4 Arthur Narsolis.

Ang pasya ng komite ay kasabay ng pagsasara ng imbestigasyon nito ukol sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), ilegal na droga at umano’y extrajudicial killings (EJK) kaugnay sa war on drugs ng Duterte administration.

Magugunitang dalawang beses na pinatawan ng contempt at ipinaaresto si Roque noong 2024 dahil sa umano’y kaduda-dudang testimonya kaugnay kay Cassandra Ong na konektado sa POGO at dahil din sa bigong pagsusumite ng mga dokumento na hinihingi ng komite.

Si Yang naman ay pinatawag noong 2024 ng quad committee dahil sa pagkaka-dawit ng pangalan nito sa ₱3.6-billion ilegal na drogang nasabat sa Mexico, Pampanga, at sa ilegal na operasyon ng POGO.

Dahil naman sa desisyon ng Quad Committee ay makakalaya na si Grijaldo na nakakulong sa detention facility ng Kamara simula pa noong December 2024.

-- ADVERTISEMENT --

Si Narsolis, naman ay itinuro ng dalawang hitmen na humarap sa komite na umano’y nag-utos na likidahin ang tatlong Chinese drug suspects na nakaditine sa Davao Penal and Prison Farm noong august 2016.

Samantala, hiniling naman ng Quad Committee sa Philippine National Police (PNP) na tiyakin ang seguridad ng mga persons deprived of liberty na humarap at nagbigay ng mga salaysay tungkol sa operasyon ng illegal drugs at EJK.