Magdaraos ang Cagayan Valley Medical Center ng Cleft Mission 2026 na magbibigay ng libreng konsultasyon at operasyon para sa mga pasyenteng may cleft lip, cleft palate, at iba pang kaugnay na kondisyon.

Gaganapin ang programa sa Hulyo 18 at 19, 2026 sa Cagayan Valley Medical Center, sa pangunguna ng Department of Otorhinolaryngology–Head and Neck Surgery ng ospital, katuwang ang Philippine Society of Otorhinolaryngology – Head and Neck Surgery Northern Luzon ENT Chapter.

Maaaring mag-avail ng serbisyo ang mga sanggol na may cleft lip o bingot na tatlong buwan pataas, mga batang may cleft palate o biyak sa ngala-ngala na isang taong gulang pataas, at mga pasyenteng 14 taong gulang pataas na nangangailangan ng secondary cleft rhinoplasty.

Ayon sa CVMC, kabilang din sa maaaring makinabang sa programa ang mga hindi pa naoperahan at mga nangangailangan ng karagdagang operasyon sa ilong matapos sumailalim sa cleft surgery.

Pinapayuhan ang mga interesadong pasyente na magparehistro nang maaga dahil limitado lamang ang bilang ng mga maaaring masuri at maoperahan. Maaari ring magpasuri hanggang dalawang linggo bago ang iskedyul ng Cleft Mission.

-- ADVERTISEMENT --

Ang libreng konsultasyon ay isinasagawa sa ENT Clinic, 3rd Floor, Outpatient Department ng CVMC.