
Target ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr na makapagpatayo ng kabuuang 349 specialty center sa buong bansa bago matapos ang kanyang termino sa 2028.
Ito ang sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati matapos pangunahan ang pagpapasinaya at inspeksyon sa brain and spine center ng Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City.
Malaking tulong aniya ang mga bagong pasilidad upang mailapit ang specialized healthcare services sa bawat Pilipino upang hindi na kailangang bumiyahe patungong Metro Manila para makapagpagamot.
Dagdag pa ng Pangulo na tuluy tuloy ang suporta ng pambansang pamahalaan sa pagpapalakas ng regional hospitals at pagpapalapit ng specialized healthcare services sa mga Pilipino.
Sinabi naman ni CVMC Medical Center Chief Dr Cherilou Antonio, ang paglulunsad ng bagong specialty center sa ilalim ng Regional Specialty Centers Act ay magbibigay ng mas mataas na antas at de-kalidad na serbisyong medikal.
Kasabay nito, isinagawa ngayong araw ang groundbreaking ceremony para sa itatayong Heart, Lung, Renal Care at Kidney Transplant Center habang pinangunahan naman ni Pangulong Marcos ang pagpapasinaya sa bagong Brain and Spine Specialty Center ng CVMC.
Dahil dito, hindi na kailangang bumiyahe pa hanggang Metro Manila para magpagamot ang mga mamamayan mula sa Rehiyon 2, Cordillera, at mga karatig-lalawigan.
Ibinida rin ni Antonio na isang makasaysayang tagumpay ang naitala matapos maisagawa ang kauna-unahang open heart surgery sa CVMC sa siyam na pasyente nang walang binayaran, sa bisa ng zero-balance billing system.
Ipinahayag naman ni Antonio ang taos-pusong pasasalamat sa Pangulo, sa mga health workers, mga lokal na pamahalaan, at lahat ng naging katuwang upang masiguro na walang Pilipinong maiiwan sa serbisyo.









