Naglabas ng paalala ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) kaugnay ng patuloy na nararanasang mataas na temperatura ngayong panahon ng tag-init.

Ito ay upang mapalakas ang kamalayan ng publiko para maiwasan ang mga sakit na dulot ng matinding init.

Ayon kay Dr. Rianne Castillo ng Department of Family and Community Medicine ng CVMC, ang sobrang pagkabilad sa araw ay maaaring magdulot ng heat exhaustion at heat stroke, na posibleng magbanta sa buhay kung hindi agad maaagapan.

Dahil dito, ipinayo niya sa publiko na uminom ng sapat na tubig kahit hindi nauuhaw upang maiwasan ang dehydration at iwasan ang matatamis at may alkohol na inumin na maaaring magpalala ng pagkawala ng tubig sa katawan.

Payo pa ni Dr. Castillo na mahalaga ring manatili sa lilim o malamig na lugar, lalo na mula alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon kung kailan pinakamataas ang init at magsuot ng magaan at preskong damit habang gumagamit ng proteksyon tulad ng sumbrero o payong laban sa araw.

-- ADVERTISEMENT --

Para sa mga drayber, mahalagang tiyakin ang maayos na bentilasyon ng sasakyan at agad na magpahinga kung nakakaramdam ng hilo o pagod.

Samantala, pinapayuhan ang mga magsasaka na isagawa ang kanilang gawain sa mas malamig na oras ng araw upang maiwasan ang panganib sa kalusugan.

Dapat ding maging mapagmatyag sa mga senyales ng sakit na dulot ng init, tulad ng pagkawala ng malay, mabilis na tibok ng puso, mataas na lagnat, pamumulikat, matinding uhaw, panghihina, pagkahilo, at pagsusuka.

Kapag nakaranas ng mga ito, agad na magtungo sa pinakamalapit na pasilidad pangkalusugan o tumawag sa mga hotline.

Habang hinihintay ang tulong, inirerekomenda ang paglipat sa lilim, pag-inom ng tubig at paglalagay ng yelong binalutan ng tela sa katawan.

Sa panahon ng matinding init, binibigyang-diin ng tanggapan na ang maagap na pag-iingat ay mahalaga upang mapanatili ang kalusugan at kaligtasan ng bawat isa.