
Kumikilos ang Department of Agriculture (DA) upang maprotektahan ang mga magsasaka matapos bumaba ang presyo ng palay sa ilang pangunahing probinsya sa bansa.
Ayon sa DA, sa isang pulong kasama ang mga lider ng rice industry noong Abril 27, nasa 77% na ang natatapos na ani ng palay sa buong bansa.
Sa ilang isolated na lugar sa Nueva Ecija, Pampanga, Isabela, at Cagayan, bumaba ang presyo ng basang palay sa P16 hanggang P17 kada kilo.
Nilinaw ng ahensya na hindi ito pangkalahatang pagbaba ng presyo sa buong bansa. Sa ilang lugar gaya ng Palawan, nananatiling matatag ang presyo sa P23 hanggang P24 kada kilo.
Ayon sa DA, magtataas ng buying price ang National Food Authority (NFA) para sa tuyong palay na aabot hanggang P30 kada kilo.
Dagdag pa ng ahensya, paiigtingin ng NFA ang pagbili ng palay sa mga lugar na nakakaranas ng matinding pagbaba ng presyo upang makatulong sa pagpapatatag ng merkado.
Patuloy namang binabantayan ng DA ang galaw ng presyo sa iba’t ibang rehiyon upang matiyak ang proteksyon ng mga magsasaka.










