Iginiit ng environmental group na BAN Toxics na bigo pa rin ang 20-taong Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act na makamit ang pangunahing layunin nitong mabawasan ang basura.

Ayon kay Tony Dizon ng BAN Toxics, may pangangailangan nang amyendahan ng Kongreso ang batas dahil sa patuloy na pagdami ng basura sa mga anyong tubig gaya ng nangyari sa Maynila matapos ang malalakas na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.

Sinabi ni Dizon, hindi nito natugunan ang kakulangan sa sistema mula sa pangongolekta, segregation, hanggang sa pagtatayo ng Materials Recovery Facilities (MRF) at kakulangan ng kaalaman ng publiko tungkol sa tamang pagtatapon.

Sa kasalukuyan, halos kalahati pa lamang ng mga barangay sa buong bansa ang mayroong MRF na nangangahulugang kulang pa rin ang imprastraktura para sa maayos na pamamahala ng basura.

Dahil dito, nanawagan ang grupo para sa malawakang konsultasyon upang matukoy ang kakulangan sa pagpapatupad at pananagutan ng mga lokal na pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --