Nasawi ang dalawang turistang Russian habang nagsasagawa ng scuba diving sa karagatan malapit sa Verde Island, Batangas City kahapon ng hapon.

Ayon kay Batangas Coast Guard Station Commander Capt. Airland Lapitan, nangyari ang insidente bandang 1:00 p.m habang nagsasagawa scuba diving ang apat na Russian national sa may bahagi ng Pulong Bato sa Verde Island.

Naitakbo pa sa St. Patrick Hospital sa Batangas City ang unang Russian pero dead on arrival na.

Bandang 5:00 p.m. nang mamataan ng search and rescue team ng PCG-Batangas ang bangkay ng ikalawang Russian diver na putol na ang kanang kamay.

Sa inisyal na imbestigasyon, biglang nagbago ang agos ng tubig sa dagat habang nagda-dive ang mga turista.

-- ADVERTISEMENT --

Nakaahon pa umano ang dalawang Russian divers at master diver samantalang napahiwalay ang dalawang nasawi.

Nahirapan ang PCG na marekober ang katawan ng biktima dahil sa marami umanong mga pating ang umaaligid.

Sinabi ni Lapitan na hinihinalang inatake ng pating ang isang biktima dahil sa naputol ang kanang kamay nito.

Dinala na ang labi ng pangalawang biktima sa Puerto Galera, Oriental Mindoro at ang mga nakaligtas.

Habang ang unang nasawi ay dinala sa isang ospital sa Batangas City.