Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian kay Education Secretary Sonny Angara na pabilisin ang pagtatayo ng mga bagong silid-aralan sa buong bansa bago ang pagbubukas ng School Year 2026-2027 sa Hunyo.

Ayon kay Gatchalian, mahalagang mapabilis ang konstruksyon ng mga classroom upang matugunan ang matagal nang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.

Sa ilalim ng 2026 national budget, inilaan ang P67.931 bilyon para sa pagtatayo ng mga silid-aralan at laboratoryo para sa technical at vocational education. Tinatayang 24,527 bagong classroom ang maitatayo na inaasahang makikinabang ang nasa 4.6 milyong mag-aaral.

Binanggit din ng senador na nasa 147,000 pa rin ang kakulangan sa mga silid-aralan batay sa datos ng Department of Education (DepEd) noong nakaraang taon.

Dahil sa special provision ng 2026 national budget, maaari nang makipagtulungan ang DepEd sa mga lokal na pamahalaan, iba pang ahensya ng gobyerno, at mga organisasyon ng civil society para sa mas mabilis na pagpapatayo ng mga classroom.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Gatchalian, mas mapapabilis ang pagtugon sa kakulangan ng mga silid-aralan kung mas maraming sektor ang makikibahagi sa pagtatayo ng mga ito.