Binawi na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng 3 driver at 2 konduktor matapos magpositibo ang mga ito sa ilegal na droga sa isinagawang random drug testing sa isang terminal inspection sa Pasay City.

Ayon sa LTO, ang hakbang ay alinsunod sa Republic Act No. 10586 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, na nagbabawal at nagpaparusa sa mga taong nagmamaneho habang nasa impluwensiya ng alak, ipinagbabawal na droga, o iba pang katulad na substansya.

Sa kabuuang 64 na driver at konduktor na sumailalim sa initial drug screening test, lima ang nagpositibo sa drug testing.

Kabilang sa mga nagpositibo ang driver ng isang bus na nauna nang nasangkot sa aksidente sa EDSA matapos umanong magtext habang nagmamaneho at bumangga sa mga roadside barriers.

Kaugnay nito, tiniyak ng LTO na paiigtingin pa nila ang pagsasagawa ng random drug testing at terminal inspections sa buong bansa bilang bahagi ng kanilang kampanya para sa mas ligtas at maayos na pampublikong transportasyon.

-- ADVERTISEMENT --