
Suportado ni House Committee on Labor and Employment Chairperson Rep. Jolo Revilla ang plano ni Labor Secretary Francis Tolentino na dagdagan ang bilang ng mga labor inspector upang mapalakas ang pagpapatupad ng mga batas sa paggawa sa bansa.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), mayroong 1,210 labor inspectors ang ahensya ngunit 447 lamang ang aktuwal na nagsasagawa ng inspeksyon sa mga establisimyento sa 13 rehiyon ng bansa.
Sinabi ni Revilla na hindi sapat ang kasalukuyang bilang ng mga inspector upang mabantayan ang libu-libong negosyo at lugar ng trabaho sa buong bansa.
Aniya, mahalagang madagdagan ang mga tauhan upang masiguro ang mahigpit na pagpapatupad ng labor laws at proteksyon sa mga manggagawa.
Binigyang-diin din ng mambabatas na ang mga labor inspector ang nangungunang tagapagbantay ng karapatan ng mga manggagawa, kabilang ang pagsunod sa labor standards, occupational safety requirements, at iba pang regulasyon sa lugar ng trabaho.
Suportado rin ni Revilla ang panawagan ni Tolentino para sa mas mataas na pondo para sa personnel services ng DOLE upang matustusan ang pagkuha ng mga karagdagang inspector.
Nangako ang mambabatas na makikipagtulungan sa DOLE sa pagtalakay ng pambansang budget upang matiyak na matutugunan ang kakulangan ng ahensya sa mga tauhan.
Ayon pa kay Revilla, makikinabang din ang mga lehitimong negosyo sa mas mahigpit na labor inspection dahil titiyakin nito ang patas na pagsunod ng lahat ng employer sa mga umiiral na batas sa paggawa.








