Sinusuri na ng Forensic unit ng Police Regional Office 2 ang mga na-recover ang mga pinaghihinalaang mga shabu na nakita ng mga mangingisda na palutang-lutang sa dagat sa bayan ng Claveria at Calayan, Cagayan.

Sinabi ni PCAPT Shiela Joy Fronda, information officer ng PNP Cagayan, hinihintay pa nila ang resulta ng isinasagawang examination sa mga nasabing white crystalline substance.

Ayon kay Fronda, nakita ng dalawang mangingisda ang dalawang puting sako na lumulutang sa dagat kahapon ng umaga na agad nilang ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.

Agad na rumesponde ang puwersa ng PNP Claveria, Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, Philippine Coast Guard at iba pang law enforcement units sa lugar kung saan natuklasan at buksan ay nakita nila ang pinaghihinalaang shabu.

Bukod dito, may isang container na naglalaman ng itim na likido na may masangsang na amoy.

-- ADVERTISEMENT --

Una rito, narekober ng mga awtoridad sa Sitio Narvacan, Barangay Dilam, Calayan, Cagayan noong June 13, 2025 ang isang ipinagbabawal na kemikal na sangkap na nakalagay sa isang isang light brown envelope.

Inaalam pa ang halaga ng mga narekober na kontrabando.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang tukuyin ang pinagmulan ng naturang mga sako at kemikal at kung may kaugnayan ito sa mas malawak na operasyon ng ilegal na droga sa probinsya.