TUGUEGARAO CITY-Kinilala na ang dalawang sundalo na namatay sa pananambang ng New People’s Army sa Abra kahapon ng umaga.
Ang mga ito ay sina PFC Ariz Bautista, 26 anyos, binata, tubong Pangpangdan, Ilocos Sur at PFC Jimmy Viernes, 25 anyos, isang guro, tubong San Juan, Tuao, Cagayan.
Si Bautista ay pinakabata sa tatlong magkakapatid at siya ang breadwinner sa pamilya dahil patay na ang kanyang ama habang si Viernes ay may asawa at dalawang buwang gulang na anak, ika-pito sa siyam na magkakapatid at siya rin umano ang breadwinner ng kanilang pamilya.
Dinala sa isang punerarya sa Bangued, Abra ang mga nasawing sundalo.
Nasugatan din sa pananambang sina PFC Randy Cinco, 28 anyos, walang asawa at residente ng Luplupang, Tinglayan, Kalinga at PFC Reymond Galo, binata at tubong Guimba, Nueva Ecija.
Nagtamo ng mga galos sa mga kamay at paa si Cinco habang bukod sa galos sa kamay at paa ay mayroon ding galos sa kanang pulso ni Galo.
Ginagamot na ang mga ito sa Abra Provincial Hospital.
Kaugnay nito, sinabi ni Major Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division, Philippine Army na patungo ang mga sundalo sa bayan ng Licuan-baay sa kanilang company command post sa 24th Infantry Battalion matapos silang i-recall para sa kanilang deployment sa augmentation sa Disaster Response Operations kasunod ng magnitude 6.4 na lindol sa Abra.
Ayon kay Pamittan, tinambangan ang mga nasabing sundalo sa Brgy. Gacab, Malibcong ng mga NPA na miyembro ng Komiteng Larangang Guerilla ng Northern Abra.
Mariin namang kinondena ni Lt. Col. Ricardo Garcia, commander ng 24th IB ang nasabing pananambang ng New People’s Army.
Nangako si Garcia sa pamilya ng mga nasabing sundalo na gagawin nila ang lahat upang mahuli ang mga salarin at mabigyan ang hustisya ang pagpatay sa mga ito.inaalam pa kung ilan ang bilang ng mga nakasagupa nila.