Nadiskubre ng mga mananaliksik ang mas pinahusay na paraan ng pagpaparami ng ube (purple yam) upang matugunan ang lumalaking global demand para sa naturang root crop.

Pinangunahan ng Visayas State University – Philippine Root Crop Research and Training Center at Bohol Island State University ang pagsasanay sa mga magsasaka sa Bohol para sa paggamit ng mas modernong teknik sa propagation.

Kabilang sa ipinakilalang pamamaraan ang tinatawag na minisett method, kung saan hinahati ang malusog na mother tuber sa maliliit na bahagi upang gawing planting materials.

Ayon sa mga mananaliksik, sa tradisyonal na paraan ay nakakagawa lamang ng 7 hanggang 10 planting materials mula sa isang kilo ng ube, ngunit sa minisett method ay maaaring umabot sa mahigit 30 piraso ang malulusog na tanim.

Ipinapahanda rin ng mga eksperto ang tissue culture method na inaasahang makakaproduce ng mas maraming de-kalidad na planting materials sa susunod na taon.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng mga mananaliksik na nasa proseso pa ng pagbuo ng tamang “hardening protocols” ang tissue-cultured ube bago ito maipalipat sa mga taniman sa bukid.

Layunin ng mga bagong teknolohiya na mapataas ang produksyon ng ube at matugunan ang tumataas na demand nito sa lokal at pandaigdigang merkado.