
Nagpahayag ng pagkabahala ang Integrated Bar of the Philippines (IBP)–Nueva Vizcaya Chapter sa paghahain ng mga reklamong cyber libel laban kina Atty. Fidel Santos at Atty. Edgardo Balgos.
Sa inilabas na pahayag ng IBP Nueva Vizcaya, iginiit ng samahan na nananatili itong nakatuon sa pagtatanggol sa kasarinlan ng propesyon ng abogasya at sa karapatan ng mga abogado na magampanan ang kanilang tungkulin nang walang panggigipit, pananakot o anumang uri ng paghihiganti.
Bagama’t hindi nagkomento ang chapter sa merito ng mga nakabinbing kaso na inihain ng North Luzon Mineral Resources Corportion, isang mining company na nag-o-operate sa Kasibu, Nueva Vizcaya at iginiit na nananatili itong apolitikal at walang kinikilingan, sinabi nitong may karapatan at, sa ilang pagkakataon, tungkulin ang mga abogado na katawanin ang kanilang mga kliyente sa loob ng itinakda ng batas at ng Code of Professional Responsibility and Accountability.
Binigyang-diin din ng IBP na ang paghawak ng isang abogado sa kaso ng kanyang kliyente ay hindi nangangahulugang sinusuportahan nito ang mga paniniwala o gawain ng naturang kliyente.
Ayon pa sa samahan, hindi dapat gamitin ang paghahain ng mga kaso upang hadlangan o takutin ang mga abogado sa pagtupad ng kanilang propesyonal na tungkulin dahil maaari itong makaapekto sa maayos na pangangasiwa ng hustisya at sa pagpapatupad ng rule of law.
Kasabay nito, nagpahayag ng pakikiisa ang IBP Nueva Vizcaya kina Santos at Balgos at iginiit na dapat igalang ang kanilang karapatan sa due process, buong proteksiyon ng batas at presumption of innocence.
Nanawagan din ang samahan sa lahat ng kinauukulan na igalang ang umiiral na legal na proseso at hayaang maresolba ang usapin sa patas at walang kinikilingang paraan.
Matatandaan na sina Atty. Santos at Atty Balgos ay nagsisilbing legal counsel ng mga kontra sa pagmimina sa lalawigan ng Nueva Vizcaya kung saan mahigpit na tinututulan ang exploration activity ng kumpanya sa ilang barangay sa bayan ng Kasibu kung kayat nagsasagawa sila ng pagbabarikada.










