
Nagbabala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga biyahero sa dagat sa Northern Luzon dahil sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa ilulunsad na Jielong-3 rocket ng China sa Agosto 5.
Ayon sa PCG, batay sa abiso ng Philippine Space Agency (PhilSA), kabilang sa tinukoy na drop zone ang bahagi ng Philippine Exclusive Economic Zone.
Inaasahang mahuhulog ang ilang bahagi ng rocket sa Drop Zone 1 na nasa humigit-kumulang 94 nautical miles mula sa Babuyan Island at 143 nautical miles mula sa Sta. Ana, Cagayan.
Bagama’t mababa umano ang panganib sa teritoryo ng Pilipinas, pinapayuhan ang lahat ng sasakyang pandagat na umiwas sa lugar habang isinasagawa ang paglulunsad at agad iulat sa pinakamalapit na PCG unit ang anumang makikitang rocket debris.
Ayon naman sa PhilSA, ang pagdami ng rocket launches sa buong mundo ay maaaring magdulot ng panganib sa mga sasakyang pandagat, aviation, at mga tao sa lupa.








