Nagbabala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga mangingisda at residente na iwasan ang dalawang bahagi ng karagatan sa Northern Luzon dahil sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa nakatakdang rocket launch ng China ngayong Lunes, Agosto 10.

Ayon sa Coast Guard District North Eastern Luzon, ilulunsad ng China ang Long March 7A rocket mula sa Wenchang Space Launch Site sa Hainan sa pagitan ng 7:54 PM hanggang 9:16 PM ngayong gabi, oras sa Pilipinas.

Inaasahang babagsak ang ilang bahagi ng rocket sa dalawang itinakdang drop zones sa karagatan malapit sa Cagayan.

Dahil dito, pansamantalang nilimitahan ng PCG ang paglalayag sa mga apektadong lugar at pinayuhan ang mga operator ng maliliit na sasakyang-pandagat na umiwas muna sa mga nasabing lugar habang isinasagawa ang rocket launch.

Binalaan din ng ahensiya ang publiko na huwag lapitan o galawin ang anumang kahina-hinalang debris na maaaring matagpuan sa dagat o dalampasigan dahil sa posibleng panganib nito.

-- ADVERTISEMENT --