
Isinasailalim sa pagsasanay sa South Korea ang 10-kataong team ng Philippine Space Agency o PhilSA para sa pagpapaunlad, pagbuo at pagsusuri ng liquid-fueled rocket na nakatakdang ilunsad sa Cagayan sa 2027.
Ayon sa PhilSA, nagsimula ang training noong Agosto at tatagal hanggang Oktubre 2026 bilang bahagi ng SIKLAB o Building Industrial Space Launch Systems Project, katuwang ang South Korean space mobility company na Perigee Aerospace Inc.
Sinasaklaw ng pagsasanay ang rocket assembly, systems integration, testing, operational procedures at paghahanda para sa test launch.
Gagamitin sa proyekto ang Blue Whale 0.1 o BW0.1, isang liquid-propellant sounding rocket na binuo ng Perigee Aerospace.
Kasabay nito, naghahanda ang PhilSA at Cagayan Economic Zone Authority o CEZA sa launch site at nakikipagdayalogo sa lokal na pamahalaan at mga residente.
Inihahanda rin ang safety exclusion zone upang matiyak ang kaligtasan ng mga kalapit na lugar.
Ang rocket na bubuuin ng PhilSA team sa South Korea ay dadalhin sa Pilipinas para sa karagdagang testing bago ang paglulunsad.
Magdadala ito ng locally developed payload na nasa dalawang kilo at nakatakdang umabot sa taas na hindi bababa sa limang kilometro.
Target na isagawa ang launch sa Cagayan North International Airport, habang magbibigay naman ng connectivity at logistical support ang Department of Information and Communications Technology o DICT at Ascend International Gateway.
Ayon kay PhilSA Acting Director General Gay Jane Perez, layunin ng programa na palakasin ang kakayahan ng bansa sa rocket systems, launch operations at safety procedures at mapaunlad ang sariling kapasidad ng Pilipinas sa pagpapadala ng mga satellite sa kalawakan.
Ipinaliwanag din ni Perez na mahalaga ang space technology sa ekonomiya at disaster response dahil nakatutulong ang satellite data sa pagtukoy ng drought, pagtatasa ng pinsala ng bagyo, pagmamanman sa kagubatan at baybayin at pagpaplano ng pamahalaan.
Nakikipagtulungan din ang PhilSA sa Bangko Sentral ng Pilipinas sa paggamit ng satellite data para sa pagsusuri ng environmental trends na maaaring makaapekto sa lending, investment at climate-related financial risks.
Bagama’t hindi aabot sa orbit ang sounding rocket, layunin ng 2027 test launch na subukan ang mga teknolohiya, safety systems at regulasyong kailangan para sa mga susunod na launch.
Ayon kay Perez, maaari rin itong makatulong sa paglikha ng high-value jobs, pag-akit ng investments at pagpapalakas ng aerospace industry ng bansa.
Maaalala na inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang 2026 State of the Nation Address na magsasagawa ang Pilipinas ng sounding rocket test launch sa Cagayan sa 2027, bilang bahagi ng hakbang tungo sa pagtatatag ng unang spaceport ng bansa.









