Posible umanong humantong sa isang matinding debt crisis, katulad ng nangyari noong 1980s, ang patuloy na paglobo ng utang ng Pilipinas, lalo’t umabot umano sa P18.55 trillion ang outstanding debt ng bansa noong katapusan ng Mayo.

Ayon sa Freedom from Debt Coalition (FDC), isang non-government organization, ito ay dahil mas malaki pa umano ang ibinabayad sa utang kaysa sa budget ng gobyerno para sa basic services para sa mga Pilipino, ayon sa State of the Debt Address ng Freedom from Debt Coalition at AIDS Healthcare Foundation.

Mistulang nagpapakita rin umano ito na naaadik na ang gobyerno sa pangungutang, dahil ito umano ang pinakamadaling paraan para makakuha ng pondo.

Gayunpaman, lugi umano ang taumbayan sa ganitong sistema dahil dalawang beses umanong nagbabayad ang mga ordinaryong Pilipino; una ay ang pagbabayad ng buwis at pangalawa ay ang kawalan ng maayos na serbisyong pangkalusugan dahil sa laganap na kurapsyon at proyektong nauuwi sa wala, gaya na lang ng mga ghost flood control projects, ayon kay Rovik Obanil, Secretary General ng FDC.

Sa kabilang banda, nanawagan naman si Dr. Ryan Guinaran, Country Program Manager ng AIDS Healthcare Foundation Philippines, para sa patas, transparent, at may pananagutang sistema sa utang nang hindi isinasakripisyo ang kalusugan ng mga Pilipino.

-- ADVERTISEMENT --